VP Binay most trusted pa rin - Pulse Asia
MANILA, Philippines – Bumaba ang approval at trust ratings ni Vice President Jejomar Binay sa pinakahuling survey ng Pulse Asia.
Sa September 8 - 15 survey, mula sa 79 percent na trust rating noon June 2014 survey, nakakuha na lamang si Binay ng 64 percent na may 11% no trust at 24% undecided.
Mula naman sa 81 approval ratings sa kanyang performance, nakapagtala na lamang ito ng 66 puntos, 10% ang disapproval at 24% undecided.
Ginawa ang naturang survey sa kasagsagan ng pagdinig ng Senado sa kontrobersyal na umano’y overprice Makati City Hall building 2 na kinasasangkutan ni Binay.
Sa kabila nito, nananatili pa rin si Binay na may pinakamataas na performance at trust ratings at maituturing pa ring mayorya ng mga Pinoy ay aprubado sa kaniyang performance at nagtitiwala sa kanya.
Ganito rin ang trend ng nakuhang resulta ni Pangulong Noynoy Aquino.
Sa performance ratings ng Pangulo, nakapagtala lamang ito ng 55%, isang puntos na mas mababa sa June 2014 survey, 31% undecided, 14% disapproval.
Habang isang puntos ang iniangat ng trust ratings ni PNoy mula sa 53 percent sa nakalipas na tatlong buwan ay naging 54%, 15% no trust at 31% undecided.
“Most Filipinos remain appreciative of the quarterly performance of President Benigno S. Aquino III and Vice-President Jejomar C. Binay (55% and 66%, respectively),” ayon sa Pulse Asia.
Samantala, nakakuha si Senate President Franklin Drilon ng 39 performance rating, 30% kay House Speaker Feliciano Belmonte at 33% kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Habang ang trust rating naman ng mga ito ay: Drilon, 37%; Belmonte, 27% at Sereno, 30%.
Samantala, hindi naman ikinabahala ng kampo ni Binay ang resulta ng survey.
Ayon kay Cavite Governor Jonvic Remulla, spokesperson for political affairs ng bise presidente, intensyon ng Senate sub-committee probe ay upang impluwensyahan ang surveys.
Pero kung ginawa umano ang survey pagkatapos ng live speech ni Binay na sinagot nito ang mga isyu, tiyak na iba ang resulta nito.
Napuna rin ng mga Binay na dahil sa media, sa urban areas lamang ang paggalaw ng rating. Wala umanong pagbabago sa kanilang ranking sa rural areas ng bansa.
Sa huli, iginiit nito: “the Vice President is grateful that he remains most trusted government official despite the baseless attacks. He will continue clarifying the issues directly to the people and performing his duties.”
- Latest