Gobyerno handang tulungan ang mga Filipino sa Hong Kong
MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ng Malacanang na handang tulungan ng gobyerno ang mga Filipino sa Hong Kong na posibleng maapektuhan ng nangyayari doong malawakang kilos-protesta.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, nakahanda naman ang Philippine consulate sa Hong Kong para sa sinumang maaapektuhang Pilipino roon. Pinayuhan rin niya ang mga Pilipino roon na huwag ng makigulo at sumama sa mass actions upang hindi maipit sakaling magkagulo.
Ipinaalala ni Valte ang panawagan ni Bernardita Catalla, Consul General ng Pilipinas sa Hong Kong, para sa mga Filipino na iwasan ang mga hindi ligtas na lugar.
Ayon sa Malacañang mas tumataas ang tensiyon sa Hong Kong matapos magsagupa ang mga pro-democracy group at ang mga “anti-occupy protester.
“Patuloy ang aming koordinasyon at linya ng komunikasyon sa pamayanang Pilipino dahil nakahanda ang ating konsulado sa Hong Kong na magbigay ng tulong sa sandaling kailanganin ito,” dagdag ni Valte.
Posible rin aniyang magkaroon ng problema ang mga Filipino na sasama sa kilos protesta dahil iba ang batas na pinaiiral sa Hong Kong.
“Hindi na po batas ng ating bansa ang umiiral doon kundi ‘yung batas ng lugar kung nasaan po sila,” ani Valte. “At lagi naman po natin silang pinapaalalahanan na sumunod din doon sa mga alituntunin at umiwas sa mga hakbang na maaaring magsangkot sa kanila sa gulo o paglabag sa batas doon.”
Para sa mga turistang nagnanais pumunta sa Hong Kong, sinabi ni Valte na wala pa namang ipinapalabas na travel advisory ang gobyerno. (Malou Escudero)
- Latest