Yaman n’yo ipabusisi! Hamon kina Cayetano at Trillanes
MANILA, Philippines - Hinamon kahapon ni United Nationalist Alliance (UNA) interim secretary general Atty. JV Bautista sina Senators Sonny Trillanes at Allan Peter Cayetano na sumailalim sa lifestyle check at ilantad ang kanilang kayamanan.
Ayon sa opisyal ng UNA, kusa nang ipinakita noong nakaraang linggo ni Vice President Jejomar Binay ang sarili nitong statement of assests, liabilities and net worth (SALN) na sumasaklaw ng tatlong dekada at binuksan ang kanyang sarili at ang sa kanyang pamilya sa lifestyle check.
“Nagpahayag na ng kahandaan ang Bise Presidente na sumailalim sa isang lifestyle check. ‘Yun bang dalawang senador handa bang magpabuking ng kanilang totoong lifestyle? Dapat maging open at transparent sila at ipakita na wala silang skeleton in the closet,” sabi ni Bautista.
Binanggit ni Bautista na ang PDAF ng isang senador ay minarkahan na ng Commission on Audit at lumabas ang pangalan nito sa tatlong listahan ng mga nakatanggap ng milyun-milyong kickback mula sa negosyanteng si Janet Napoles.
“Dapat maging bukas ang mga senador na ito hinggil sa kanilang PDAF, sa kanilang kaugnayan kay Napoles at sa kanilang DAP,” mungkahi ni Bautista.
Pinuna pa ni Bautista na si Binay na maraming taong naging alkalde ng Makati City ay hindi nasuspinde o naparusahan sa mga reklamong isinasampa ng kanyang mga kritiko. Wala anyang basihan ang mga bintang laban sa Bise Presidente at walang nangyari sa mga kasong isinampa sa Ombudsman dahil sa kakulangan ng merito.
“Ang nakakatawa rito, ipinapakita ng senador na ito ang kanyang sarili bilang Mr. Clean kuno at sinasabi lang na pulitika ang motibo sa report. At wala silang sinasabi hinggil sa kanilang DAP bilang kabayaran sa pagpapatalsik kay dating Chief Justice Renato Corona,” dagdag ni Bautista.
Ayon pa kay Bautista, ipinalabas na ni Binay ang kanyang SALN at income tax return sa nagdaang 28 taon na nagpapakita lang na bukas ang Bise Presidente sa lifestyle check para mabara ang mga bintang na katiwalian.
- Latest