2 batalyong sundalo bantay kay Pope Francis
MANILA, Philippines – Dalawang batalyon ng sundalo ang ipapakalat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para masiguro ang kaligtasan ng pagdalaw sa bansa ni Pope Francis sa Enero ng susunod na taon.
Inatasan ni AFP chief Gen. Gregorio Pio Catapang ang 7th at 8th Philippine Contingent sa Golan Heights na bumuo ng security team para sa Santo Papa.
Ang dalawang units ay bahagi ng Peacekeeping Operations Center ng AFP.
Sa kasalukuyan, sinuspinde ng Pilipinas ang pagpapadala ng peacekeeping operations sa Golan Heights, Syria.
Ang mga nakabalik na peacekeepers kamakailan mula sa dating misyon sa Golan Heights, gayundin ang unit na nakatakdang pumalit sa kanila ay nasa standby status.
Ayon kay AFP spokesman Lt. Col. Ramon Zagala, ikinomit ng AFP ang dalawang batalyon para sumuporta sa Philippine National Police sa pagbabantay ng seguridad ng Santo Papa.
Ang nasabing mga unit ay ilalagay sa ilalim ng operational control ng PNP na siyang in-charge sa pangkalahatang security para sa apat na araw na pagbisita ng Papa sa bansa.
“We believe that their exposure and experience in peacekeeping operations in Syria will be beneficial towards the successful security of Pope Francis’s papal visit to the Philippines,” ayon pa kay Zagala.
- Latest