Purisima pinayuhang mag-early retirement ni Lacson
MANILA, Philippines - Hinimok ni Rehabilitation Czar Sec. Panfilo Lacson si PNP Chief Alan Purisima na magkusa na itong magpaliwanag kay Pangulong Aquino kaugnay sa kinasasangkutan nitong kontrobersya.
Sabi pa ni Lacson, mas makakabuti kung magkukusa na rin si Gen. Purisima na magbakasyon sa puwesto o kaya ay magbitiw na lamang sa kanyang posisyon bilang early retirement.
“On his own, dahil naaapektuhan na, sabihin na natin pati ‘yung kredibilidad ng ating Pangulo, kung in his heart of hearts alam niyang may mga katotohanan ‘yung mga akusasyon sa kanya, magkusang loob na lang siyang lumapit... at magsabing, ‘Magbabakasyon muna ako... magre-resign na po ako,” pahayag ni Lacson sa isang panayam sa radio kahapon.
Aniya, hindi naman maitatangging matagal nang magkaibigan sina PNoy at Purisima kaya puwede namang ipatawag ito ng Pangulo upang isa-isang ipaliwanag ang kinasasangkutan nitong kontrobersya.
Aminado rin ang rehab czar na apektado ang peace and order situation kapag mayroong problemang kinakaharap ang liderato ng PNP.
Magugunita na kinasuhan ng plunder, graft at indirect bribery si Purisima ng Coalition of Filipino Consumers sa Office of the Ombudsman.
Agad idinepensa ni PNoy si Purisima sa panayam dito sa Estados Unidos dahil matagal na raw niya itong kilala simula pa noong 1987 at hindi raw ito maluho at matakaw.
- Latest



















