Obispo pabor na buwagin ang SK
MANILA, Philippines - Pabor ang isang Obispo na tuluyan nang alisin ang Sangguniang Kabataan (SK) bilang bahagi ng Local Government Units.
Naniniwala si Bishop Martin Jumoad na walang halaga ang SK sa bawat Barangay sa Pilipinas at sa halip ay isa umano ito sa mga ugat ng katiwalian sa pamahalaan.
Ikinalulungkot ng Obispo na sa halip na mahubog sa kabutihan at mabuting lider ay maagang natututo ang mga kabataan na mangurakot at magnakaw sa kaban ng bayan.
Aniya, tinuturuan pa ang mga kabataan na maging corrupt sa pamamagitan ng pagbibigay ng IRA subalit wala namang proyekto.
Taliwas naman ito sa paniniwala ni CBCP Episcopal Commission on Youth executive secretary Fr. Kunegundo Garganta sa pagsasabing mahalaga ang SK upang makahubog ng mga bagong lider ng bansa.
Ayon kay Garganta, malaki ang maitutulong ng SK upang ihanda ang mga kabataan sa paglilingkod sa taongbayan at mamulat sila sa tunay na kahulugan nito.
Aminado si Garganta na nangangailangan ang SK ng reporma at muling pagsusuri upang maiwasan na maging dahilan ito ng paglala ng kurapsyon at maling paniniwala sa pagiging pulitiko.
Wala umanong paaralan na makakapaghubog sa isang bata para mabuting magpatakbo ang gobyerno at ang SK ay isang magandang pagkakataon sana para ito ay matutunan.
- Latest