Miriam nag-walkout sa Senado
MANILA, Philippines - Nag-walkout kahapon sa Senado si Sen. Miriam Defensor-Santiago matapos kuwestiyunin ni llocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas ang kanilang quorum.
Pinuna ni Fariñas ang kawalan ng quorum sa gitna ng hearing ng Commission on Appointments Foreign Affairs Committee kung saan dinidinig ang nominasyon ni Nathaniel Imperial, Chief of Mission Class 2 bilang ambassador sa Israel.
Iginiit ni Fariñas na hindi maaring magpatuloy ang pagdinig ng komite kung walang quorum na nakasaad sa Article 4, Section 2 ng rules ng CA.
Sinabi naman ni Santiago na magkakaroon rin ng quorum dahil magdadatingan pa ang ibang mambabatas pero iginiit pa rin ni Fariñas ang kawalan ng quorum.
“Maya maya quorum na tayo. So you want us to stop?” ani Santiago.
Ayon sa senadora, sapat na ang presensiya ng chairperson ng komite para magkaroon ng quorum na maraming taon ng ginagawa.
Sa ilalim ng CA rules, ang chairman, isang vice chairman at tatlong miyembro ay sapat na para magkaroon ng quorum.
Hindi nagustuhan ni Santiago ang patuloy na pag-kuwestiyon ni Farinas kaya nagtapon ito ng mga papel.
“You’re questioning my authority. I walk out of this hearing,” ani Santiago.
Sa simula pa lamang anya ng kanilang pagdinig ay dapat kinuwestyon na kaagad ni Farinas ang kanilang quorum.
Dahil dito kinansela ni Sen. Antonio Trillanes IV, vice-chairman ng komite ang pagdinig.
Bago ang walkout, isang cameraman ang pinalabas ni Santiago sa nasabing hearing.
Bago isalang sa interview si Imperial, napalakas ang boses ng nasabing cameraman kaya natawag ang atensiyon ni Santiago.
Habang lumalabas sa kuwarto ang cameraman, sinabi ni Santiago na dapat maging maingat ang lahat sa kanilang inaasal dahil maituturing na isang “solemn activity” ang ginagawang pagdinig ng isa sa tatlong branches ng gobyerno.
- Latest