Bill hindi anti-selfie
MANILA, Philippines – Iginiit ng mga may-akda ng House Bill 4807 o Protection Against Personal Intrusion Act na hindi ito “Anti-Selfie“ bill.
Dahil dito kaya muling ibinalik ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez sa komite ng Kamara ang nasabing panukala upang mapag-aralang mabuti ang posisyon ng National Union of Journalist of the Philippines, Samahan ng mga Photo-Journalist at iba pang stakeholders. Ang nasabing panukala ay nakapasa na sa ikalawang pagbasa sa plenaryo ng Kamara.
Ayon kay Rodriguez, natanggap na niya ang liham mula sa nasabing mga grupo at ito ang nag-udyok sa kanya para bawiin sa plenaryo at ibalik sa House Committee on public information ang panukala.
Tinawanan naman ni Buhay partylist Lito Atienza, isa sa may akda ng panukala, ang pagtawag ng ilang kritiko na anti selfie bill ang kanilang bill. Ipinaliwanag ni Atienza sa Selfie umano ay karaniwang humihingi ng permiso para sa pagkuha ng larawan.
Subalit nakasaad sa nasabing panukala na mahigpit na ipinagbabawal ang pagkuha ng larawan ng walang pahintulot lalo na kung magagamit pa ito for commercial purposes o bilang pang-blackmail sa ibang tao.
Idinagdag pa ni Rodriguez na hindi ang mga negatibong reaksyon mula sa iba’t-ibang sektor ang dahilan ng kanyang withdrawal dahil hindi naman talaga anti-selfie bill ang kanyang inihaing panukala.
- Latest





















