Revilla ‘di ililipat sa BJMP
MANILA, Philippines - Mananatili sa PNP Custodial Center sina Sen. Bong Revilla at kanyang tauhan na si Atty. Richard Cambe.
Sa 12 pahinang desisyon ng Sandiganbayan First Division, kulang sa merito ang jail transfer request ng prosekusyon laban kina Revilla at Cambe kaya inisnab ito dahil ang mas mahalaga ay ang makulong ang mga ito at hindi sa kung anong lugar sila dapat nakakulong.
Ayon sa Sandiganbayan, hindi gaanong naipaliwanag ng prosekusyon kung bakit nais nilang mailipat sa ibang kulungan ang dalawa bagkus ang nakalagay lamang sa kanilang request ay ang mailipat ang mga ito sa isang regular jail.
Si Revilla at Cambe ay kapwa akusado sa kasong plunder at graft na may kinalaman sa paglalaan ng PDAF ng mambabatas sa pekeng NGO ni Janet Napoles.
Iginiit ng prosekusyon na dapat mailipat sa BJMP jail si Revilla at Cambe dahil ang PNP Custodial Center umano ay hindi isang kulungan.
Niliwanag ng graft court na ang pamamalagi nina Revilla at Cambe sa Custodial Center ay hindi naman permanente dahil oras na mapatunayan na sila ay nagkasala sa batas, ang mga ito ay agad na ililipat sa ibang jail facility.
- Latest