Walang Pinoy sa ISIS - DFA
MANILA, Philippines - Pinabulaanan kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang ulat na may mga rebeldeng Pinoy na nagsasanay kasama ang Islamic State of Iraq and Syria o ISIS.
Ayon kay DFA spokesman Asec. Charles Jose, walang natatanggap na ulat ang diplomatic posts sa nasabing mga bansa na nagkukumpirma sa report na may 100 Pinoy Muslims ang nagsasanay sa pakikipaglaban.
Ipinaliwanag ni Jose na matagal nang ipinatutupad ang travel ban sa Iraq, Syria at Afghanistan dahil sa matinding bakbakan sa nasabing mga bansa.
Maging ang Armed Forces of the Philippines ay sinabing wala pa silang natatanggap na intelligence report kaugnay sa pagkakasangkot ng umano’y mga Pinoy Muslims sa ISIS.
Una nang sinabi ni dating Pangulong Fidel V. Ramos na may mahigit 100 Filipino Muslims ang umano’y nagsasanay kasama ang ekstremistang grupo na siyang nagpapasimuno ng civil war sa Iraq at Syria.
Binanggit din ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na may mga kabataan sa lalawigan ang nirecruit ng nasabing grupo. Sa kabila nito, inamin ng DFA na mahirap imonitor ang mga Pinoy Muslim na tumutulak patungong Jordan at Dubai saka didiretso sa Iraq at Syria.
- Latest