Makati carpark P1.2-B lang
MANILA, Philippines - Inakusahan kahapon ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado si Vice Pres. Jejomar Binay na kumita umano sa “overpriced” Makati carpark building.
Humarap kahapon sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon commitee si Mercado na umamin na kahit siya man ay kumita sa pagpapatayo ng kontrobersiyal na gusali.
“Alam ninyo hindi ako talagang sinungaling. Pagtatawanan ako rito. Opo, sa phase 1 and 2, nakinabang po ako,” sagot ni Mercado matapos tanungin ni Sen. Antonio Trillanes kung kumita ba siya sa nasabing transaksiyon.
Nang tanungin uli ni Trillanes kung si VP Binay ba ay kumita rin sa naturang project, sinabi ni Mercado na: “Kung ang Vice Mayor ay nakinabang, lalo na po ang Mayor. Imposibleng hindi nakinabang ang Mayor.”
Nagulat din aniya si Mercado na umabot sa P2.7 bilyon ang pagpapatayo ng sinasabing gusali mula sa orihinal na plano na nagkakahalaga lamang ng P1.2 bilyon.
Dahil sa pasabog ni Mercado, inalok ito nina Trillanes at Sen. Koko Pimentel na sumailalim sa ‘witness protection program’ pati na sina Atty. Renato Bondal at Nicolas Enciso, ang unang nagpasabog sa nasabing Makati carpark anomaly at nagsampa ng kasong plunder sa Ombudsman laban sa mag-amang Binay.
Sabi ni Mercado, nang magkahiwalay sila ni Binay ay palagi nang may sasakyang sumusunod sa kanya. Kaya nag-iwan na aniya siya ng sulat sa kanyang pamilya kung anuman ang mangyari sa kanya.
Inamin ni Mercado na matalik silang magkaibigan ni Vice President Binay at parang magkapatid na ang turingan nila.?“Prinsipyo ang dahilan kung bakit kami nagkahiwalay,” diin niya.
Kinumpirma naman ng Philippine Institute of Architects ang valuation ng kilalang appraiser na si Federico Cuervo na pumapatak lamang sa P23,000 kada square meter o P700 milyon ang nararapat na halaga ng pagpapatayo ng Makati carpark at masyadong mataas sa P2.7 bilyon.
- Latest