‘Kaya sinisiraan kami’ Cayetano namumulitika - Rep. Binay
MANILA, Philippines - Namumulitika lamang umano si Sen. Alan Peter Cayetano para maisulong ang kanyang presidential ambition kaya sinisiraan niya si Vice President Jejomar Binay at ang pamilya nito na pinaniniwalaang mangunguna sa halalang pampanguluhan sa 2016.
Ito ang sinabi kahapon ni House Deputy Majority Leader and Makati City Rep. Mar-Len Abigail Binay na nagbunyag din na palihim na nakikipagkita umano si Cayetano at nanliligaw sa ilang mga kongresista para makuha ang suporta ng mga ito sa pagkandidatong presidente ng senador.
“Sa pang-aaway sa bise presidente at sa kanyang pamilya, umaasa si Cayetano na mapapansin siya at magkakaroon siya ng libreng publisidad kaya ginugulo niya kami,” sabi pa ng batang Binay.
“Batid ni Senador Cayetano na hindi siya gaanong magiging tampok na balita kung aawayin niya ang ibang potensiyal na target kaya pilit niyang ibinebenta ang kanyang sarili kahit pa masakripisyo ang bise presidente at ang pamilya nito na hindi naman karapatdapat,” dagdag ni Binay. “Sana, itaguyod na lang ng senador ang kanyang sarili sa pamamagitan ng positibong public relations sa pamamagitan ng pagkumbinsi sa lahat hinggil sa kanyang mga nagawa para sa bansa.”
Lumilitaw sa huling survey ng Pulse Asia na, kung ngayon gagawin ang halalang pampanguluhan, tiyak na runaway winner ang bise presidente dahil siya ang unang napili ng 40 porsiyento.
Nasa ikaapat na porsiyento ng survey sina Cayetano at ang presidential sister na si Kris Aquino.
Sa isang pagdinig ng Senado noong nakaraang linggo sa akusasyong overpricing sa Makati City Hall building, binusisi ni Cayetano si Mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay Jr. na anak ng bise presidente at bunsong kapatid ng congresswoman. Pagkatapos ng pagdinig, hinamon ni Cayetano ang bise presidente na humarap ito sa imbestigasyon ng Senado.
Samantala, dapat umanong sagutin ni Cayetano ang mga isyu sa tatlong reklamong isinampa ng Philippine Association for the Advancement of Civil Liberties (PAACL) laban sa kanya at sa maybahay niyang si Taguig Mayor Lani Cayetano kaugnay sa half-a-million peso per multi-cab overpriced purchases, P300 Million released to over 3,000 “ghost” employees bago naghalalan noong 2013 Elections, at sa ill-gotten wealth ng pamilyang Cayetano.
- Latest