Magtiwala ka sa mamamayan - solon kay PNoy
MANILA, Philippines - Dapat pag-aralan ni Pangulong Aquino na pagkatiwalaan ang mga Pilipino sa pagpili ng susunod nilang lider sa 2016 sa halip na manatili siya sa kapangyarihan.
Ito ang ipinapayo sa magkahiwalay na pahayag nina Deputy Majority Leader Magtanggol Gunigundo at Valenzuela City Rep. Sherwin Gatchalian na nagbabala na mahahati at malilihis ang bansa mula sa mahahalagang problemang pang-ekonomiya sa ginagawang panawagan ng ilang mga lider ng Liberal Party na amyendahan ang political provision ng Konstitusyon para makahingi ng panibagong termino si Aquino.
“Sino man ay maaaring magpanukala ng mga susog sa Konstitusyon pero ang kuwestiyon, makikinabang ba talaga rito ang mamamayan? Kailangan niyang makumbinsi sila na makikinabang sila sa pagpapalawig ng kanyang panunungkulan sa puwesto,” sabi ni Gunigundo.
Sinabi pa ng kongresista na, bagaman lahat ng mga presidente ay nais ipagtuloy ang kanilang mga patakaran, ang pinakamahalaga ay ang mga programa, hindi ang tao.
“Malaya siyang ibigay ang kanyang panig sa isyu pero kailangan mong maging statesman dito. Anumang pagtatanggal ng term limit ay dapat para sa susunod na mga halal na opisyal, hindi sa mga kasalukuyang nanunungkulan sa puwesto sa gobyerno na tulad ko,” sabi pa ni Gunigundo.
Inihalimbawa niya ang panukalang dagdagan ang sahod ng mga mambabatas na ang dapat makinabang ay ang mga miyembro ng darating na 17th Congress.
Sinabi naman ni Gatchalian na hindi lang magdudulot ng pagkakahati-hati kundi makakadiskaril din sa kinakailangang batas na magpapabawas ng kahirapan ang pagpapalawig sa termino ni Aquino.
- Latest