House probe sa pagkalunod ng 7 BSU students, giit
MANILA, Philippines - Pinamamadali ni Pasig City Rep. Roman Romulo ang imbestigasyon sa pagkalunod ng pitong estudyante ng Bulacan State University habang nasa field trip sa Madlum Cave sa San Miguel, Bulacan.
Ayon kay Romulo, chairman ng House Committee on Higher and Technical Education, dapat malaman kung sino ang may pagkukulang at may pananagutan sa trahedya upang maparusahan at mabigyang hustisya ang mga estudyanteng nasawi rito.
Giit ng mambabatas, hindi talaga ligtas ang nasabing ilog tuwing tag-ulan kaya hindi na dapat nagsagawa pa ng field trip doon.
Naalala pa ni Romulo na noong 2004 ay may napaulat na walong kataong nagpi-picnic na pawang mga bata at teenagers na nalunod din sa Madlum River dahil sa biglaang pagtaas ng tubig.
Dahil dito kaya hinikayat ng mambabatas ang mga eskwelahan ng maigting na pagbabantay sa mga estudyante habang nagsasagawa ng mga off campus education activities tulad ng field trips upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.
Paliwanag pa ni Romulo dapat may matutunang leksyon sa naturang insidente para hindi na nauuwi sa disgrasya ang mga aktibidad ng mga estudyante sa labas ng campus.
- Latest