SRP sundin, giit ni Castelo
MANILA, Philippines - Hinimok ni Quezon City councilor Karl Castelo ang supermarket at grocery owners na gamitin lamang ang naitakdang suggested retail prices (SRP) sa mga paninda bilang pagsuporta sa mga pamilyang mabawasan ang mga gastusin sa araw-araw lalo na ang mga tinamaan ng nagdaang kalamidad.
Binigyang diin ni Castelo na may moral na pananagutan ang mga negosyante na tumulong sa kanilang mga parokyano lalo na sa panahon ng kagipitan sa pamamagitan ng pagsunod sa itinakdang tamang presyo sa kanilang mga paninda.
Ang pahayag ay ginawa ng Konsehal bilang reaksiyon sa ulat na may mga negosyante ang nagbenta ng produkto na mas mataas sa SRP noong panahon ng kasagsagan ng bagyong Glenda.
Sinasabing nadiskubre ng DTI na lagpas sa SRP o mas mahal umano ng P1 hanggang P3 ang pagbebenta ng condensed milk, powdered milk, coffee refill, detergent soap, instant noodles, bottled water, luncheon meat, meat loaf, corned beef, beef loaf, vinegar, patis, soy sauce at toilet soap sa ilang mga naturang establisimiento.
Maghahain ng panukalang resolusyon si Castelo na mag-oobliga sa mga supermarkets at grocery store owners na ipakita sa publiko ang opisyal na listahan ng DTI para sa SRP ng mga paninda para magabayan ang mga mamimili partikular ang mga mahihirap na taga-lungsod.
- Latest