Programang ‘Abot-Kamay ng Barangay’ ng Manila Water, tuluy-tuloy
MANILA, Philippines - Nagsagawa ng programang “Abot-Kamay ng Barangay” ang Manila Water sa higit apat na raang barangay sa silangang Kalakhang Maynila at lalawigan ng Rizal upang mas mapalapit ang maayos at mabilis na serbisyo sa mga customers nito sa East Zone concession area. Ayon sa pahayag ni Manila Water East Zone Business Operations Group Director Ferdinand dela Cruz, ang programa ay layong matugunan ang bawat katanungan, problema o naisin ng mga residente patungkol sa kanilang tubig at nagamit na tubig. “Ang bawat territory manager ng Manila Water ay bumibisita sa bawat barangay kada buwan upang mas mapabilis at mabigyan ng agarang solusyon at aksyon ang kanilang mga inilalapit,” pahayag ni Dela Cruz. Mula sa higit 400 barangay na nabisita ng Manila Water, 84 ay mula sa lungsod ng Quezon, 108 ay mula sa Makati, 61 sa San Juan, 44 ang Marikina, 58 mula Pasig at 47 mula sa lungsod ng Taguig. Ang programa ay isinagawa rin sa tatlong distrito at 34 barangay sa lalawigan ng Rizal. Bahagi ng buwanang pagbibisita sa mga barangay ay ang pagbabahagi ng programang ‘Toka Toka’, ang kauna-unahang adbokasiya sa bansa na naglalayong bigyang edukasyon ang publiko ukol sa tamang pamamahala ng nagamit na tubig o “used water”. Layunin ng programang ito ang linisin at buhaying muli ang kailugan sa Kalakhang Maynila. Binibigyang-diin ng Toka Toka ang ilang payak na pamamaraan na maaaring gawin ng bawat indibidwal para makatulong na gawing malinis at ligtas ang mga estero at ilog ng Metro Manila, partikular na ang mga ilog ng Marikina, Pasig at San Juan.
- Latest