Libreng text alerts ’pag may kalamidad ipatupad na – Poe
MANILA, Philippines - Sa gitna ng nararanasang tag-ulan sa iba’t ibang panig ng bansa, ipinaalala kahapon ni Sen. Grace Poe ang pagpapatupad ng Republic Act 10639 o ang Free Mobile Disasters Alerts Act kung saan inaatasan ang mga kompanya ng cellphones na magpadala ng libreng disaster warning alerts sa mga mamamayan.
Ayon kay Poe, ang isang text alert ay posibleng makapagsalba ng maraming buhay kaya dapat lamang na ipatupad na ang nasabing batas na nilagdaan ni Pangulong Aquino noong Hunyo 20 na inaatasan ang mga mobile service providers na magpadala ng mga libreng alerts o warning kapag may nakaambang kalamidad sa mga mobile subscribers na malapit o mismong nasa apektadong lugar.
Nakasaad sa ipapadalang alerts ang pinakahuling impormasyon na manggagaling sa National Disaster Risk Reduction and Management Council at iba pang ahensiya ng gobyerno at maging ang lokasyon ng evacuation sites.
Multang P1 milyon hanggang P10 milyon at suspensiyon o tuluyang pagbawi ng legislative franchise ang posibleng ipataw sa mga lalabag na telecom company.
Multang P1,000 hanggang P10,000 at pagkabilanggo ng hindi lalampas sa anim na buwan sa mga magpapakalat ng mali at hindi totoong impormasyon.
- Latest