Humarang sa deployment ban ng OFWs sa Libya ipapatawag ng House
MANILA, Philippines - Ipapatawag ng House Committee on Overseas Workers Affairs ang mga multinational companies na umano’y humaharang sa paglalagay noon ng deployment ban sa Libya.
Sinabi ni Akbayan Rep. Walden Bello, chairman ng komite, dapat magpaliwanag ang mga Italian firms at Italian oil companies sa Libya na nagbanta pa na magsasagawa ng “Shame Philippines” campaign dahil sa pagpigil sa mga OFWs na tumungo doon para magtrabaho.
Sa pagdinig ng komite lumalabas na ang mga multinational companies ang nangpe-pressure para hindi makapaglagay ng deployment ban sa Libya kaya sa halip na 2012 pa may ban ay ngayon lamang Hunyo ito naipatupad.
May malaking pananagutan umano ang gobyerno lalo na ang DFA at DOLE dahil hindi agad naasikaso ang mga OFWs at hinayaang lumaki ang problema.
Dahil nahihirapan na mapauwi ang mga kababayan, kaya humigit kumulang sa 12,000 mga Pilipino pa ang naiipit sa kaguluhan at nasa mahigit 700 pa lamang ang napauwi sa Pilipinas.
Siniguro naman umano sa kanila ng DFA at OWWA na sagot ng gobyerno ang pagpapauwi sa mga OFWs gayundin ang pagbibigay ng P10,000 cash bilang panimula ng pangkabuhayan.
- Latest