PNoy dinepensahan ng solon sa DAP
MANILA, Philippines - May karapatan si Pangulong Benigno Aquino III na ipaglaban ang ipinalalagay niya ay tama para sa bansa at para sa mamamayan.
Ito ang pagtatanggol ni Iloilo Congressman Jerry Trenas sa ginawang live television message ng Pangulo kamakalawa kaugnay ng kontrobersiyal na Disbursement Acceleration Fund na naunang idineklara ng Supreme Court na labag sa Konstitusyon.
Idiniin ng kongresista na hindi hinahamon ng Pangulo ang Mataas na Hukuman sa ginawa nitong pahayag sa telebisyon, bagkus, malinaw na idineklara ng Punong Ehekutibo na dadaan ito sa ligal na proseso.
Sinabi pa ni Trenas na isang pruweba ng patuloy na respeto ng Pangulo sa awtoridad ng Mataas na Hukuman sa usapin ng hustisya at Konstitusyon ang ipinahayag nitong plano ng pamahalaan na magsampa ng motion for reconsideration laban sa naging desisyon ng Supreme Court na nagdedeklarang iligal ang DAP.
“Hindi siya sumasang-ayon sa naging hatol sa DAP pero hindi ito nangangahulugan na naghahanap siya ng away sa ating hudikatura,” sabi pa ni Trenas. “Mabuti at ipinaliwanag ng Pangulo ang kanyang panig sa isyu at para sa akin, nilinaw niya ang ligal na basihan ng DAP na maaaring nakaligtaan ng Supreme Court sa naging deliberasyon nito.”
Idinagdag ni Trenas na mayorya ng mga miyembro ng Kongreso ay pumapabor sa posisyon ng Pangulo kaugnay sa usapin ng DAP dahil sa positibong epekto ng programa sa kanilang nasasakupan.
“Kasama ng Pangulo ang kongreso sa isyung ito ng DAP at, tulad ng Pangulo, maraming mambabatas ang umaasa na makikita ng Supreme Court ang katalinuhan at ligal na basihan ng programa,” sabi pa ng mambabatas.
- Latest