PNoy, CGMA gawing witness – Bong
MANILA, Philippines - Gustong ipatawag ng kampo ni Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. sina Pangulong Noynoy Aquino at dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo upang maging testigo sa kanyang kasong graft at plunder tungkol sa multi-billion pork barrel scam sa Sandiganbayan.
Sa pre-trial brief na ibinigay ng mga tagapagtanggol ni Revilla sa korte, gusto nilang ipa-subpoena sina Aquino at Arroyo at iba pang mga opisyal ng gobyerno tulad nina DILG Sec. Mar Roxas, DOJ Sec. Leila de Lima, Ombudsman Conchita Caprio-Morales, Budget Sec. Butch Abad, COA Commissioner Grace Pulido-Tan at dating Budget Sec. Rolando Andaya Jr.
Gusto rin gawing testigo ng grupo ni Revilla ang Senate President, miyembro ng Special Panel of Investigators, Field Investigation ng OMB at NBI na siyang humimay sa pork barrel cases tungkol sa usapin ng PDAF.
Hiling din niya na ilagay sa witness stand ang TV at movie producers ng GMA-7 na may malaki ring maitutulong at makapagsasabi ng pinagmulan ng kanyang kita sa industriya.
Sa pamamagitan umano ng pagtawag sa mga nabanggit habang binubusisi ang kaso ni Revilla sa graft court ay magkakaroon ng linaw kung talagang nagkasala ito sa batas at nagkamal ng pera ng bayan na sinasabing komisyon mula sa kanyang PDAF gamit ang pekeng NGO ni Janet Napoles.
Samantala, inurong ng Sandiganbayan 1st Division ang pre-trial sa kasong plunder at graft laban kina Revilla, Janet Napoles at mga kapwa-akusado nito sa pork barrel scam sa August 27.
Ito’y matapos malaman sa pagdinig kahapon na hindi pa natatapos ang pagmamarka ng mga ebidensya ng prosekusyon kaugnay ng pork scam at marami pa silang hinihintay na dokumento kaugnay ng kaso.
- Latest