PNP naghahanda na sa pag-aresto sa pork solons
MANILA, Philippines - Naghahanda na ang Philippine National Police (PNP) sa pag-aresto sa tatlong senador na sabit sa P10 bilyong pork barrel scam ni Janet Lim-Napoles.
Ayon kay PNP-Criminal Investigation and Detection Group CIDG) Chief P/Director Benjamin Magalong, sa oras na bumaba ang warrant of arrest ay ipatutupad ng kaniyang mga tauhan ang pag-aresto kina Senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla.
Sinabi pa ni Magalong na maging ang PNP-Custodial Center sa Camp Crame ay inihahanda na rin para pagkulungan sa tatlong senador na kinasuhan ng plunder sa Sandiganbayan kaugnay ng pagkakasangkot sa pork barrel scam.
Nabatid sa opisyal na pininturahan at nilinis na ang seldang naghihintay sa tatlong senador bukod pa sa inayos na ito.
Sa kasalukuyan, apat na selda sa loob ng inihandang jail facility ang kinumpuni na para kina Enrile, Revilla at Jinggoy.
Nilagyan na rin ng road blocks patungo sa PNP Custodial Center upang ipatupad ang mahigpit na seguridad sa oras na maipalabas na ang warrant of arrest at isilbi ito sa tatlong senador.
Ayon naman kay PNP-CIDG spokesperson Chief Inspector Elizabeth Jasmin, ngayon pa lamang ay nakabantay na rin ang kanilang arresting team upang tiyakin na hindi makakatakas ang mga akusado.
Sa sandaling arestuhin ang tatlo ay agad ang mga itong isasailalim sa mug shot, fingerprinting at booking sa PNP-CIDG bago ideretso sa PNP Custodial Center.
Sinabi ni Jasmin na susunod rin ang mga itong dadalhin sa PNP Crime Laboratory para maisailalim sa medical examination saka dadalhin sa kanilang selda sa PNP Custodial Center.
Inihayag pa nito na sa kasalukuyan ay hindi pa nila batid kung sinu-sino sa mga sangkot sa PDAF scam ang iko-commit ng Sandiganbayan para ikulong sa detention facility ng Camp Crame.
Sinasabi naman ng ilang opisyal na makulong man ang tatlong Senador sa Camp Crame ay hindi ito pangmatagalan at maari rin ang mga itong ilipat sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna depende pa sa ipag-uutos ng korte.
- Latest