Pagbabalik ni Napoles sa Fort Santo Domingo, ipinauubaya sa PNP
MANILA, Philippines - Ipinauubaya na ng Makati City Regional Trial Court, (RTC) sa Philippine National Police (PNP) ang desisÂyon kung dapat nang ibalik sa Fort Santo Domingo sa Laguna ang tinaguriang reyna ng pork barrel scam na si Janet Lim Napoles dahil maari na itong lumabas ng Ospital ng Makati (OSMAK).
Ito ang nabatid kahapon kay Atty. Diosfa Valencia, Clerk of Court ng Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 150 at ito ay base na rin sa progress report o clinical assessment ng OSMAK.
Nauna nang sinabi ng kampo ni Napoles na iaapela nila sa hukuman na mapalawig pa ang panananatili ni Napoles sa ospital dahil kailangan nito ang “full bed rest†matapos ang operasyon dito .
Nabatid na Marso 28 pa ng magbaba ng desisyon si Judge Elmo Alameda na puwede nang ibalik sa kulungan si Napoles kung may kautusan na itong ilabas ng ospital.
Sinabi naman ni Atty. Bruce Rivera, tagapagsalita ni Napoles, linggo-linggo ang iskedyul ng check-up ng akusado at kung ibabalik ito sa Fort Santo Domingo sa Laguna ay posible aniyang lumala ang lagay nito.
Bukod pa aniya sa magastos ito dahil higit sa P120,000 na gastusin sa pagbiyahe kay Napoles mula Laguna patungong Makati City.
Nilinaw ni Atty. Valencia na wala pa silang natatanggap na anumang motion na humihiling para mapalawig ang pananatili ni Napoles sa ospital.
- Latest