‘Mosquito Dance’ ng DOH inilunsad
MANILA, Philippines - Inilunsad kahapon ng Department of Health ang programa kontra-lamok na tinaguriang ‘Mosquito Dance’ na isinabay sa pagdiriwang ng World Health Day sa pangunguna ni Health Secretary Enrique Ona.
Tulad ng mga nauna, muling nagpamalas ng kaniyang hilig sa pagsayaw si Assistant Secretary Eric Tayag at ilang miyembro ng World Health Organization (WHO).
Ayon sa DOH, makatutulong ang ‘Mosquito Dance’ upang magkaroon ng mas malawak na atensyon ang kampanya ng ahensya laban sa mga lamok at sa dulot nitong mga sakit sa mga mamamayan tulad ng Malaria, Dengue at Chikungunya.
Batay sa datos ng WHO, nakakaapekto ang mga naturang sakit sa 2.5 bilyong biktima sa 100 bansa o halos 40% ng populasyon ng buong mundo.
Nitong mga nakaraang linggo, marami ang naitalang kaso ng pagdami ng lamok sa ilang bahagi ng bansa. Payo naman ng DOH, makakatulong sa paglaban ng sakit ang paggamit ng screen sa bahay at ng insect repellent, pagsuot ng long sleeve shirt, pantalon, at paggamit ng kulambo.
- Latest