‘Kami po ay pinagplanuhan, pinagkaisahan’ - Jinggoy
MANILA, Philippines – Hindi ikinagulat ni Senador Jinggoy Estrada ang pag-anunsyo ng Senate Blue Ribbon Committee at ng Office of the Ombudsman ang kanilang naging desisyon sa imbestigasyon sa pork barrel scam.
Sinabi ni Estrada ngayong Martes na "synchronized operation" ngayong April Fools’ Day ang pagsasampa ng kaso laban sakanila nina Senator Juan Ponce Enrile at Ramon Revilla Jr.
"I am saddened albeit not surprised that the Committee has issued adverse recommendations against me and two of my colleagues who were dragged to the controversy," wika ni Estrada sa isang panayam sa telebisyon.
Kaugnay na balita: Ombudsman kakasuhan ng pandarambong sina Enrile, Revilla, Estrada at Napoles
Inihayag ni committee chair Teofisto Guingona ngayong araw ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa pang-aabuso sa Priority Development Fund (PDAF), habang inanunsyo ng Ombudsman na sasampahan nila ng kasong pandarambong ang tatlong senador at iba pang personalidad.
"Clearly, kami po ay pinagplanuhan, pinagkaisahan at naging bikitima ng sabwatan para lang magpapogi ng imahe ang ilan naming kasamahan sa Senado. It is a very, very well-synchronized April Fools' Day operation," dagdag niya.
Lumabas sa imbestigasyon ng Ombudsman na kumita ng P517 milyon si Revilla, P345 milyon naman si Enrile at P278 naman si Estrada.
Nauna nang sinabi ng senador na wala siyang kinalaman sa pork scam.
- Latest