PNoy pinasaringan at ‘di pinarangalan si Capa
MANILA, Philippines – Sa kabila nang pamumuno ni Senior Superintendent Conrad Capa sa pag-aresto sa negosyanteng si Delfin Lee, hindi siya kabilang sa mga pinaranganalan ni Pangulong Benigno Aquino III ngayong Martes.
Hindi nakatanggap ng papuri ang pulis kahit na ang kanyang mga kasamahan sa Task Force Tugis na sina Chief Inspector Rafael Lero, Senior Police Officer Dante Cabalquinto at Police Officer Eugene Amoyo ay kinilala ni Aquino.
Hindi man binanggit ni Aquino ang pangalan ni Capa, pinasaringan ng Pangulo ang pagrereklamo ng pulis matapos italaga sa ibang lugar matapos masakote si Lee.
"Lately, we have had an issue of a person who refused to take a new assignment. Matanong ko lang ho kayo, pwede ho ba tayong mamili ng assignment?" pahayag ni Aquino sa harap ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame.
Isang linggo matapos pamunuan ni Capa ang pagdakip kay Globe Asiatique Realty Holdings Corp. president na si Lee, itinalaga siya ni PNP chief Director General Alan Purisima sa Central Visayas bilang ikatlong pinakamataas na opisyal.
Iginiit ni Purisima na ito ang daan upang makakuha siya ng mas mataas na rango.
Hindi ikinatuwa ni Aquino ang pagsusumbong ni Capa sa media.
"[P]umasok din sa kaisipan ko... okay to ah, [he] goes out to media, says this and that, keeps quiet for a while then goes back on a media tour," sabi ni Aquino.
"Ididiin ko lang po, dito sa napakaingay na opisyal na ito, sabihin na nating magaling siya. Siyempre ang tanong doon maasahan ba [siya]? At tila ang sagot na pangkaraniwan doon eh maasahan natin siya kung matutuwa siya. Eh kung di siya natutuwa, e di hindi na natin siya maasahan. Yun ba ang propesyunal?"
Sinabi pa ng Pangulo na ipinahamak ni Capa ang pagsusumbong sa media.
"Pinahamak niya ang institution na pagkatagal-tagal ng buhay niya ay pinaglinkuran niya," banggit ni Aquino.
- Latest