Naarestong wanted na MILF commander pinalaya
MANILA, Philippines - Inalmahan kahapon ng mga junior officers ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagpapalaya sa isang mataas na opisyal ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na wanted sa serye ng kasong kriminal na naaresto sa isang checkpoint sa Cotabato City noong Linggo.
Ayon sa mga opisyal na tumangging magpabanggit ng pangalan, yumukod ang gobyerno sa kaso ni Wahid Tundok, commander ng 118 Base Command ng MILF na nahaharap sa may 100 kasong kriminal kabilang ang pamamaslang sa 10 sundalo noong 2009.
Sa press statement ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP), si Tundok na pinakawalan kamakalawa ng gabi ay iti-turnover ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) anumang oras sa International Monitoring Team ng Government of the Philippines–Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities at Adhoc Joint Action Group.
Binatikos ng mga junior officers ang OPAPP sa paggawa ng hakbang upang mapalaya si Tundok para umano maisalba ang peace agreement sa MILF sa kabila ng mga kasong kriminal na kinakaharap nito kabilang na ang multiple murder.
Noong 2008 si Tundok ay kabilang sa mga umatake sa ilang bayan ng North Cotabato at Lanao del Norte matapos ibasura ng Korte Suprema ang Memorandum of Agreement sa kontrobersyal na isyu ng Ancestral Domain na nilagdaan noong 2008 ng pamahalaan.
Sa rekord ng PNP, umaabot sa 110 kasong kriminal ang naisampa laban sa mga lider at tauhan ng MILF kabilang na sina BIFF Commander Ameril Umbra Kato at Tundok.
Si Tundok ay kabilang rin sa nasampahan ng 31 counts ng murder at 30 counts ng robbery sa panununog ng mga kabahayan sa Pigcawayan, Libungan, Alamada, Midsayap, Aleosan at Pikit, North Cotabato.
Si Tundok din umano ang kontak ng mga teroÂristang Jemaah Islamiyah (JI) na nagtutungo at nagsasanay ng terorismo sa mga rebeldeng Muslim.
- Latest