2 psychiatrist ni Justice Sereno sinibak
MANILA, Philippines - Sinibak ng Judicial and Bar Council (JBC) sa tungkulin ang dalawang psychiatrist na nagsagawa ng pagsusuri o mental testing kay Chief Justice Maria Lourdes Aranal-Sereno.
Ayon kay Atty. Jose Mejia, JBC Regular Member, nagpasya ang JBC na huwag ng i-renew ang kontrata ng dalawang psychiatrist na hindi na tinukoy ang mga pangalan.
Ang dalawang sinibak na psychiatrist ay siyang nagbigay ng bagsak na grado sa psychiatric test ni Sereno na nakakuha lamang ng markang 4 ng mag-apply ito sa position bilang Pinakamataas na Mahistrado ng Bansa.
Nilinaw naman ni Mejia na ang non-renewal sa kontrata ng dalawang psychiatrists ay walang kinalaman sa negative findings nila sa pag-iisip ni Sereno.
Sinabi ni Mejia na masyadong mataas ang bayad sa dalawang doctor at ang pagkakatanggal nila bilang psychiatrist ng JBC ay bahagi ng ginagawang pagtitipid.
Alinsunod sa pinaiiral na panuntunan ng JBC, sinumang aplikante na makakuha ng grade 4 ay hindi na rekomendado sa anumang posisyon sa sangay ng hudikatura ngunit nagkaroon ng exemption sa kaso ni Sereno.
- Latest