Kaso nina Vhong at Deniece dedesisyunan na ng DOJ
MANILA, Philippines - Ilalabas na ng Department of Justice (DOJ) sa mga susunod na linggo ang desisyon sa kasong criminal na isinampa ng actor-tv host Vhong Navarro laban kina Cedric Lee, kapatid na si Bernice, Deniece Cornejo at Simeon Raz.
Sa preliminary investigation kahapon, inanunsiyo ng panel na submitted for resolution na ang reklamong serious illegal detention, serious physical injuries, grave threats, grave coercion, illegal arrest at blackmail na inihain ni Navarro laban sa apat. Nilinaw ng DOJ panel na ito umano ay dahil sila lamang apat ang nakapaghain ng kontra-salaysay at mga ebidensiya.
Samantala, binigyan naman ng panel ng hanggang ika-28 ng Pebrero ang dalawa pang respondent sa reklamo ni Navarro na sina JP Calma at Jeff Fernandez para magsumite ng kanilang kontra salaysay.
Muli ring pinanumpaan ni Cornejo sa harap ng panel ang kanyang complaint affidavit sa kasong rape na isinampa laban kay Navarro.
Ngunit bago matapos ang pagdinig, tinangka pa ni Atty. Alma Mallonga, abogado ni Navarro, na alamin mula sa panig ng mga respondent ang kinaroroonan ni Ferdinand Guerrero na isa rin sa kanilang inireklamo sa pambubugbog sa aktor.
Gayundin ang pagkakakilanlan ng isa pang respondent na kasama rin sa mga bumugbog kay Navarro, ngunit sila ay binara ni Calleja dahil hindi umano ito alam ng kanyang mga kliyente.
- Latest