Baril ng mga sekyu pinaseselyuhan din ng PNP
MANILA, Philippines - Maging ang mga security guard ay hindi ligtas sa paghihigpit na ginagawa ng pulisya para hindi magpaputok sa pagdiriwang ng Bagong Taon, dahil ipinag-utos ng Philippine National Police ang paglalagay ng tape sa kanilang mga baril.
Sa direktiba ng PNP, inatasan nito ang mga operators, managers, and security officers ng mga accredited agencies na takpan ang bunganga ng baril ng kanilang mga security guards.
Ayon kay Police Chief Supt. Tomas Rentoy III ng PNP-Supervisory Office for Security and Investigation Agencies, ang direktiba ay nakapaloob sa lahat ng police security agencies, police detective agencies, company guard at government security unit sa lahat ng lugar.
Ito aniya, ay upang maiwasan ang pagpapaputok ng baril sa pagsalubong sa Bagong Taon. Ang mga baril ng security guards ay kailangang nakatakip simula sa Dec. 30, 2013 at hanggang Jan. 2, 2014.
Ayon pa kay Rentoy, kailangang idokumento ng mga ahensya ang kanilang gagawing pagtatakip at isumite ang kanilang ulat sa Jan. 15, 2014.
Ang sinumang guwardiya at ahensya na mabigong sumunod sa direktiba ay may kakaharaping parusa.
Aksyon ito ng kapulisan, kasunod ng pagpapatupad sa kanilang mga provincial units at regional units para matiyak na ang mga baril na inisyu sa mga PNP personnel ay hindi magagamit maliban sa pagganap nila sa kanilang tungkulin bilang alagad ng batas para paputukin ang kanilang mga armas sa pagdiriwang ng Bagong Taon.
Naging malaking isyu noong taong 2012 ang pagkamatay ng isang pitong taong gulang na batang babae sa lungsod ng Caloocan na tinamaan ng ligaw na bala habang nanood ng mga nagpapaputok sa pagdiriwang ng Bagong Taon.
Nanawagan naman ang PNP sa publiko na agad ipagbigay alam sa kanilang tanggapan o sa alinmang police station na malapit sa kanilang lugar ang sinumang makitang nagpapaputok ng baril.
- Latest