DPWH may travel advisory
MANILA, Philippines - Nagpalabas ng travel advisory ang Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa mga bibiyahe patuÂngong Norte ngayong holiday season.
Sa Holiday Traffic Advisory ng kagawaran, asahan na ang pagbibigat ng daloy ng traffic sa ilang bahagi ng kalsada na patungong Northern Luzon.
Pinaliwanag ng DPWH na bukod sa patuloy na pagdagsa ng mga bumibiyahe sa mga lalawigan ngayong panahong ito, nagpapatuloy din ang rehabilitation works o pagkukumpuni sa ilang bahagi ng Manila North Road.
Partikular na apektado ng rehabilitation works ang Tarlac-Pangasinan boundary hanggang sa Pangasinan-La Union Section.
Ang pagkukumpuni na pinangangasiwaan ng DPWH Pangasinan District Engineering Office ay nagsimula kahapon at ito ay tatagal hanggang sa January 6, 2014.
Kaugnay nito, inaabisuhan ang mga apektadong motorista na gumamit ng mga alternatibong ruta lalu na kapag peak hours o iyong mula alas-siyete hanggang alas-nuwebe ng umaga at alas-kwatro ng hapon hanggang alas-siyete ng gabi.
Ang mga alternatibong ruta ay ang mga sumusunod: Carmen-Rosales-Sta. Maria-Asingan-Binalonan Road na bahagi ng Magilas Trail; Binalonan-Laoac-Pozorrubio Road; Urdaneta-Manaoag-San Jacinto-San Fabian-Damortis Junction sa La Union Road na maari lamang daanan ng mga light vehicles; Binalonan-Laoac-Manaoag-San Jacinto-San Fabian-Damortis Junction sa La Union na bukas lamang din para sa mga maliliit na sasakyan; at Manila North Road Junction–Guiling-Rosales Poblacion Provincial Road.
Pinapayuhan ng DPWH ang mga motorista na iwasan ang overtaking o counterflowing sa mga nabanggit na chokepoints. (Doris Borja)
- Latest