Sabong, karera bawal sa Dis. 30
MANILA, Philippines - Iginiit ng Malacañang na mahigpit na ipinagbabawal ang sabong, karera ng kabayo at jai-alai sa araw ng kamatayan ni Gat. Jose Rizal sa Disyembre 30.
Ayon kay Deputy PreÂsidential Spokesperson Abigail Valte, ipinaalala din ng gobyerno na dapat ay iwagayway ng half mast ang watawat ng Pilipinas sa paggunita sa kamatayan ni Dr. Jose Rizal sa Dec. 30 bilang pagkilala sa pagiging martir nito.
Nakasaad sa Republic Act 229 na mahigpit na ipinagbabawal ang sugal na sabong, karera ng kabayo at jai-alai sa pagdiriwang ng bansa sa kamatayan ni Dr. Rizal at may katapat na parusa ang sinumang susuway dito.
Pangungunahan naman ni Pangulong Aquino ang pagtataas ng watawat sa pagdiriwang ng kamatayan ni Dr. Rizal sa Disyembre 30 sa Luneta Park, Manila.
Nagsimula na kahapon ang 3-day bakasyon ng Pangulo sa payo ni Health Sec. Enrique Ona at muli itong magbabalik-trabaho sa Disyembre 30.
Wika ni Valte, may regular na check-up naman ang Presidente sa kanyang doctor kaya hindi na niya kailangan sumailalim sa check-up sa bakasyon niya ngayon.
Ito din ang unang pagkakataon na itataas ni Pangulong Aquino ang watawat sa bagong taÂyong flag pole na nagkakahalaga ng P7.8 milyon na may taas na 150 feet mula sa dating 105 feet.
Hindi naman makumpirma ng Palasyo kung aakyat ng Baguio City si PNoy upang doon magpahinga sa The Mansion.
Taun-taon ay naging tradisyon ng sinumang Pangulo ng bansa na magdiwang ng Pasko ito sa The Mansion kasama ang kanyang pamilya at miyembro ng Gabinete.
- Latest