15 probinsiya signal no. 3 kay ‘Santi’
MANILA, Philippines - Higit pang lumakas ang bagyong Santi habang ito ay nasa lalawigan ng Aurora.
Alas-5 ng hapon, si Santi ay huling namataan ng PAGASA sa layong 150 kilometro silangan timog silangan ng Baler, Aurora taglay ang pinaka malakas na hanging umaabot sa 150 kilometro malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin na umaabot sa 185 kilometro bawat oras.
Bunga nito, patuloy na nakataas ang signal number 3 sa Aurora, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Ifugao, Benguet, La Union, Ilocos Sur, Pangasinan, Mt. Province, Tarlac, Nueva Ecija, Northern Quezon, Polilio Island at Northern Zambales.
Signal number 2 naman sa Metro Manila, Ilocos Norte, Cagayan, Apayao, Kalinga, Abra, nalalabing bahagi ng Zambales, Pampanga, Bataan, Bulacan, Rizal at nalalabing bahagi ng Quezon.
Signal number 1 sa Calayan at Babuyan Group of Islands, Cavite, Batangas, Laguna, Lubang Islands, Marinduque, Camarines Provinces, Northern Mindoro at Catanduanes.
Si Santi ay kumikilos pakanluran sa bilis na 15 kilometro bawat oras.
Sabado ng hapon, si Santi ay nasa bisinidad ng Dagupan City at sa Linggo ng hapon ay inaasahang nasa layong 390 kilometro kanluran ng Dagupan City.
Pinapayuhan ng PAGASA na hindi maaaÂring maglayag ang mga bangka sa mga karagatan ng nabanggit na mga lugar dahil sa masungit na panahon at malalaking alon.
Samantala, nakaalerto na rin ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa search and rescue operations sa mga lugar na tatamaan ng bagyong Santi.
- Latest