Pinay sugatan sa stray bullet sa Egypt
MANILA, Philippines - Isang Pinay ang malubhang nasugatan matapos na tamaan ng ligaw na bala sa pagpapatuloy ng civil war sa Egypt.
Ayon kay Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez, tinamaan ng bala sa kanyang kanang balikat ang Filipina-Egyptian teenager ng Helwan, Cairo matapos na tumagos ang nasabing bala sa kanilang apartment kamakalawa ng gabi.
Pinuntahan na ng mga kinatawan ng Embahada ng Pilipinas sa Cairo ang Pinay na hindi tinukoy ang pangalan habang naka-confine sa ospital upang tingnan ang kanyang kondisyon at inalok ng tulong.
Pinayuhan muli ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga Pinoy na umiwas munang tumungo sa Egypt dahil sa tumitinding karahasan.
Kamakalawa ay idineklara ng DFA ang crisis alert level 3 sa Egypt para sa may 6,000 Pinoy at ipinatutupad na ang voluntary repatriation.
Pinapayuhan din ang mga Pinoy doon na manatili sa kanilang tahanan at umiwas sa matataong lugar lalo na sa mga pinagdadausan ng demonstrasyon at karahasan bilang pagsunod sa kautusan ng Egyptian government lalo ang curfew na mahigpit na ipinatutupad.
Sa mga Pinoy na nakatira malapit sa kagulunan, sila ay pinapayuhang umiwas na lumapit o dumungaw sa kani-kanilang bintana upang maiwasan ang tulad nang sinapit ng nasabing Pinay.
- Latest