Palasyo ayaw mag-referee kina Lacson at Miriam
MANILA, Philippines - Tumanggi kahapon ang Malacañang na magsilbing referee sa pagitan nina Senator Miriam Defensor-Santiago at dating Senator Panfilo “Ping†Lacson na inaasahang bibigyan ng bagong trabaho ni Pangulong Aquino.
Ayon kay Presidential Spokesperson Edwin Lacierda naiintindihan ng Palasyo na magkaiba ang paniniwala nina Lacson at Santiago at ayaw nilang sumali sa debatihan ng dalawang senador dahil wala pa naman talaga ang “final product†o ang sinasabing bagong tanggapan.
Sinabi ni Lacierda na ihahayag na lamang nila kung tapos na ang mga detalye pero sa ngayon ay naghihintay pa lamang sila ng abiso ni Pangulong Aquino.
Nilinaw din ni Lacierda na hindi nila pinagtutuunan ng pansin ang nangyayaring palitan ng pahayag sa media nina Lacson at Santiago at dapat hintayin na lamang ang desisyon ng Pangulo tungkol sa legalidad ng itatayong komisyon o opisina.
Nauna ng sinabi ni Santiago na katawa-tawa at labag sa Konstitusyon ang gagawing pagbuo ng isang bagong tanggapan ng Pangulo kung saan gagawing bagong anti-corruption czar si Lacson.
Pero ayon kay Lacson dapat intindihin ni Santiago na may kapangyarihan ang Pangulo na magbuo ng isang bagong tanggapan base na rin sa Article VII Section 17 ng 1987 Constitution.
- Latest