Protesta vs oil hike ikinasa
MANILA, Philippines - Isang malawakang kilos protesta ngayong Huwebes ang ikinasa ng militanteng transport group na Pinagisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) para kondenahin ang anim na sunod-sunod na pagtaas ng halaga ng mga produktong petrolyo sa bansa makaraan ang May 13, 2013 elections.
Ayon kay Piston National President Goerge San Mateo, kailangan nang aksiyonan ng pamahalaan ang walang puknat na oil price hike dahil sobra sobra na ang epekto nito sa maliliit na mamamayan na naging dahilan din ng pagtaas ng halaga ng mga bilihin at bayarin sa serbisyo.
Sa pinakahuling oil price hike, umaabot na sa P41.40 halaga ng diesel kada litro at P51.55 kada litro ang gasolina ang itinaas sa presyo.
Dahil sa serye ng taas sa halaga ng mga produktong petrolyo, napapanahon na anya para ibasura ng pamahalaan ang Oil Deregulation Law, pagtanggal sa 12 percent VAT sa petrolyo at isabansa ang industriya ng langis na pawang ugat ng oil price hike.
Nilinaw naman ni LTFRB Chairman Winston Ginez na walang magaganap na taas sa pamasahe sa mga pampublikong mga sasakyan sa bansa kahit na may mga pagtaas sa halaga ng mga produktong petrolyo dahilan sa wala namang nagsasampa ng petisyon sa ahensiya para sa fare hike.
- Latest
- Trending