N. Cotabato isinailalim sa state of calamity
MANILA, Philippines - Dahilan sa nilikhang pinsala ng 5.7 magnitude na lindol noong nakalipas na Sabado ng gabi, isinailalim na kahapon sa state of calamity ang bayan ng Carmen, North Cotabato.
Ayon kay Roy Dorado, Chief ng Office of Civil Defense (OCD) Region 12, patuloy ang isinasagawa nilang assessment at pag-iimbentaryo sa iba pang mga gusali at mga bahay na winasak ng lindol.
Sa tala, pinakagrabeng naapektuhan ang Brgy. Kibudtungan at Brgy. Kimadzel kung saan umaabot sa 141 mga bahay ang napinsala.
Bukod sa mga bahay, ilang mga establisyemento ay naapektuhan at humina rin ang pundasyon ng ilang mga paaralan.
Pansamantala namang nanuluyan ang mga apekÂtadong pamilya sa Brgy. Hall matapos na magtamo ng pinsala ang kanilang mga tahanan pero ang ilang residente ay bumabalik sa kanilang mga bahay tuwing umaga.
Kaugnay nito, inaasahan naman ng OCD Region 12 na tataas pa ang halaga ng pinsala ng lindol mula sa inisyal na P56-M sa sandaling makumpleto na ang assessment sa lahat ng mga imprastrakturang winasak ng lindol.
Sa kasalukuyan ay binabalot pa rin ng takot ang mga residente dahilan sa pagtama ng lindol na puminÂsala sa kanilang mga kabahayan at ari-arian sa naturang bayan.
- Latest