^

Bansa

Miting ni Ayong niratrat: 1 patay, 7 sugatan

Butch Quejada at Cristina Timbang - Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines - Mahigit dalawang linggo matapos mapaslang ang lider ni Rep. Ayong Maliksi na si Rodolfo Hilario Picache, muling dumanak ang dugo sa Cavite kamakalawa nang walang awang pagbabarilin ang mga lider ng kongresista na dumalo sa isang political (assembly) meeting sa Dasmariñas City.

Sa nasabing insidente, agad na namatay sanhi ng maraming tama ng bala ang Lupon Chairman ng Brgy. Cristina II na si Arsenio Pionilla y Sotomayor, 55, may-asawa.

Kasalukuyan namang ginagamot sa ospital ang mga sugatang barangay Kagawad na sina William Banguilan at Marcelo Dagsa, Brgy. Tanod na si Jose Rolly Albeza at mga lider na sina Virginia Baybayon, Rose Caindoy, Rolan Rio at Remedios Lopez na pawang residente ng Brgy. Cristina II, Dasmariñas City, Cavite.

Sa pahayag ng barangay secretary na si Janeth Ignacio, bandang alas-9:30 noong Sabado ng gabi, habang nagsasagawa sila ng pagpupulong sa loob ng covered court sa mismong harapan ng Brgy. Hall ay ginulantang sila ng sunod-sunod na pamamaril ng suspek na may kasamang alalay at driver ng motorsiklo na ginamit sa pagtakas.

Ang namatay na si Pionilla ay nakatakbo pa umano ng ilang metro mula sa kinatatayuan nito ngunit agad ding sinundan ng mga suspek habang tuloy-tuloy ang pamamaril na ikinasugat ng pito pang biktima.

Ayon kay Ignacio, maituturing na balwarte ni Maliksi ang kanilang lugar dahil lahat ng kanilang opisyal sa barangay ay ka-grupo ni Rep. Ayong kung saan ang biktimang si Pionilla ang pinakamasigasig dahil sa 16 na taon nito sa pagiging barangay official na halos nirerespeto at sinusunod ng lahat sa kanilang lugar.

Idinagdag pa ni Ignacio na dahil sa maayos na pamamalakad nito ay wala silang alam na na­ging kaalitan man lang ng biktima.

Katunayan aniya bago pa uminit ang sitwasyon ng election ay doon lang natutulog ang biktima sa loob ng covered court dahil sa tiwala na walang sinoman ang gagawa sa kanya ng masama.

 Ilang opisyal ng nasabing barangay na natatakot magpabanggit ng kanilang pangalan ang nagpahayag na iisa sila sa paniniwala na ang nasabing insidente ay kagagawan ng goons ng kalaban sa pulitika ni Rep. Maliksi.

Idinagdag pa ng mga ito na sana ay hayaan na lang ng politikong ito na ang kanyang rekord ang maging batayan ng mga Kabitenyo sa pagboto at hindi sa pamamagitan ng paghahasik ng lagim sa mga kawawa at inosenteng lider ni Maliksi.

Kaugnay sa nasabing insidente, tahimik naman ang kampo nina Gov. Jonvic Remulla.

 

ARSENIO PIONILLA

AYONG MALIKSI

BRGY

CAVITE

CRISTINA

DASMARI

IDINAGDAG

IGNACIO

MALIKSI

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with