Malaysians pinag-iingat sa Pinas
MANILA, Philippines - Dahil sa umiinit na bakbakan sa pagitan ng Sulu Royal Army at Malaysian security forces, nagpalabas na ng advisory ang Malaysian government para sa kanyang mamamayan na nasa Pilipinas.
Sa ipinalabas na kalatas ng Malaysian Foreign Ministry, pinapayuhan ang mga Malaysian citizen na nasa Pilipinas na mag-doble ingat dahil na rin sa mga isinasagawang anti-Malaysian rally o demonstrasyon ng mga militanteng Pinoy matapos ang sunud-sunod na pagsugod sa Embahada ng Malaysia sa Makati City na galit sa isinasagawang airstrike at ground attacks ng Malaysian troops sa mga Pinoy-Muslim na tagasuporta ni Sultan Jamalul Kiram III sa Lahad, Datu at ibang lugar sa Sabah.
Hiniling na ng Malaysia sa Philippine authorities na dagdagan ang seguridad sa kanilang embahada sa Manila at konsulado sa Davao City upang matiyak ang seguridad at kaligtasan ng kanilang mamamayan.
Nagpasalamat pa ang Malaysia sa Phl government at PNP dahil sa pagbibigay ng security protection sa kanilang embahada at konsulado.
Sa kabilang banda, nagpalabas din ng advisory ang Embahada ng Pilipinas sa Kuala Lumpur sa may 800,000 Pinoy sa Sabah na maging kalmado sa sitwasyon hinggil sa nagaganap na bakbakan sa pagitan ng tropa ng kapatid ng Sultan na si Rajah Muda Agbimmuddin Kiram at Malaysian composite forces.
- Latest