‘Pinas nakahanda rin sa meteor?
MANILA, Philippines - Nilinaw kahapon ng weather specialist ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na si Renato de Leon na, bagaman bihira lang mangyari ang insidente sa Russia, meron namang mga safeguard o pamamaraang pangkaligtasan kung sakaling tamaan din ng isang malaking meteor ang Pilipinas.
Tinutukoy niya ang meteor na sumalpok sa Russia noong Biyernes na ikinasugat ng may 100 katao at puminsala sa maraming gusali.
Nilinaw din ni de Leon na hindi naman talaga suÂmalpok sa Daigdig ang meteor na tumama sa Russia. Sumabog na ito bago pa nakarating sa lupa. “Walang crater at walang nakitang meteorites.â€
Idinagdag niya na ang mga nasugatan ay dahil sa shockwave ng pagsabog. Ang shockwave na ito ang bumasag sa maraÂming bintana na nabasag at sumugat sa maraming tao.
Sinabi ng opisyal ng Pagasa na walang dapat ipangamba ang publiko na mararanasan din ito ng Pilipinas dahil bihira itong mangyari. At kung mangyayari naman ito, madalas na sa liblib na lugar bumabagsak at hindi sa matataong lugar. Depende pa rin ito kung ang meteor ay babagsak nang buo o madudurog habang nasa himpapawirin.
Samantala, dumaan na sa Daigdig ang asteroid na 2012 DA-14 kahapon ng umaga.
Sa isang panayam sa radio, sinabi ni de Leon naitala ang pagdaan ng asteroid sa layong 27,700 kilometro sa Daigdig.
Sinabi ni de Leon na ito ang pinakamalapit na distansya ng dumaang asteroid sa Earth sa kasaysayan at mas malapit pa ito kumpara sa mga man-made satellite na nasa layong 35,000 kilometro.
Naitala ang pinakamalapit nitong distansya dakong alas-3:24 ng madaling araw.
Dahil sa kaliitan ng asteroid at pagiging maulap ng kalangitan, hindi ito nasulyaÂpan ng mga tao. (Evelyn Macairan/Angie Dela Cruz)
- Latest