NPA nangingikil na ng campaign fees
MANILA, Philippines - Naniningil na umano ng Permit to Campaign (PTC) at Permit to Win (PTW) fees ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) partikular sa mga lokal na kandidato sa mga lugar na balwarte nito kaugnay ng nalalapit na halalan sa May 13, 2013.
Sa ulat na tinanggap ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Emmanuel Bautista, nakasaad sa dokumento na nakuha ng Army’s 8th Infantry Division (ID) sa Eastern Visayas Region na sumisingil umano ang mga rebelde sa mga kandidatong Kongresista, gobernador at bise gobernador ng P500,000 bawat isa; P100,000 sa mga Board member at mayor; P75,000 sa mga bise alkalde at P50,000 sa mga konsehal.
Bukod dito ay nangingikil rin umano ang mga rebelde ng mga high powered firearms o mga matatas na kalibre ng baril na aabot sa halagang P180,000 kada kandidato.
Samantala, nagbabanta rin umano ang mga rebelde na dudukutin ang mga local candidates at isasabotahe ang kampanya kapag hindi nagbigay ng PTC at PTW fees para makapangampanya sa mga liblib na lugar na malakas ang presensya ng NPA rebels.
Ayon kay Capt. Gene Orense, spokesman ng Army’s 8th ID, ang nasabing dokumento ay kabilang sa narekober nila mula sa grupo ng mga rebelde sa Eastern Visayas.
Dahil dito, umapela ang mga opisyal ng militar sa mga kandidato na huwag padadala sa takot at huwag magbigay ng PTC, PTW fees gayundin ng mga armas sa mga rebelde.
- Latest
- Trending