Ika-80 b-day ni Cory ginunita

MANILA, Philippines -  Bumisita sa puntod ng yumaong dating Pangulong Corazon Aquino sa Manila Memorial Park sa Parañaque City ang “Presidential Sisters” upang magbigay-galang sa ika-80 taong kapanganakan ng kanilang ina kahapon.

Nag-alay ng bulaklak at misa sina Maria Elena “Ballsy” Aquino-Cruz, Aurora Corazon “Pinky” Aquino-Abellada, at Victoria Elisa “Viel” Aquino-Dee sa puntod ng kanilang ina.

Ayon sa magkakapatid, pinasasalamatan nila ang ina dahil sa mabuting pagpapalaki nito sa kanila at ehemplo sa kabila ng napakaabalang buhay nito bilang dating Pangulo ng bansa.

Hindi nakapunta si Pangulong Aquino dahil kasalukuyang nasa Switzerland ito at dumadalo sa World Economic Forum.

Umaasa naman si Kris Aquino, bunsong anak, na maiintindihan siya ng kanyang ina sa hindi rin nito pagdalaw sa puntod dahil sa abala sa trabaho sa telebisyon. Sabi nito, ang ina ang nagturo sa kanya ng pagiging propesyunal sa kanyang trabaho na kanya ngayong ginagawa.

Si Cory na nakilala bilang “Ina ng Demokrasya” sa Asya ay unang babaeng Pangulo ng bansa. Pumanaw ito noong 2009 dahil sa sakit na colon cancer.

 

Show comments