Atletang makakasungkit ng ‘world title’ bigyan ng benepisyo - Pimentel
MANILA, Philippines - Nais ni Senator Aquilino Pimentel Jr., Chairman ng Senate Committee on Games and Amusement na bigyan ng gobyerno ng benepisyo ang mga manlalarong Filipino na makakasungkit ng World Championship Title.
Pumasa na sa komite ang Senate Bill 3322 na tatawaging “An Act Granting Retirement, Health Care and Death Benefits to Professional Filipino Athletes Who Win World Championship Titles in International Professional Sports Competitions or in Other Equally Prestigious International Games and Providing Funds Therefor.”
Sinabi ni Pimentel na maraming mga propesyonal na atletang Filipino ang nagsasakripisyo at may mga nagbubuwis din ng buhay makapagbigay lamang ng karangalan sa bansa.
Inihalimbawa ni Pimentel ang mga sakripisyo nina boxing legends Manny Pacquiao, Gabriel “Flash” Elorde, ang Velasco Brothers, at ang latest Filipino boxing sensation, Nonito Donaire na nagbigay ng karangalan sa bansa.
Idinagdag ni Pimentel na kalimitang nasasakripisyo ang kalusugan ng mga magagaling na atletang Filipino kaya marapat lamang na mabigyan sila ng karampatang benepisyo.
Hindi aniya dapat maging pulubi ang mga magagaling na atletang Filipino pag natapos na ang kanilang career at kapag hindi na sila napapakinabangan.
Sa ilalim ng panukala, nais ni Pimentel na ang mga Filipino athletes na nakatanggap ng international titles ay mabigyan ng retirement benefits pagsapit nila ng 50 taong gulang: para sa individual events, isang lifetime monthly pension na nasa Fifteen Thousand Pesos (Php15,000.00); at para sa Team Events, isang lifetime monthly pension na nasa Ten Thousand Pesos (Php10,000.00) sa bawat team member.
- Latest