Komersiyalismo namamayagpag tuwing Pasko – Bishop
MANILA, Philippines - Ipinaramdam ni Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas sa mga Katolikong Pinoy na ikinalulungkot niya ang pamamayagpag ng komersiyalismo sa pagdiriwang ng Pasko at natatabunan ang tunay na diwa nito.
Sa Christmas message ni Arch. Villegas , binatikos niya ang kasalukuyang praktis sa pagsapit ng Kapaskuhan na itinuturing lamang bilang long weekend holiday; bilang pista ng mga makukulay na Christmas lights at nakakamamanghang mga gimik sa karnibal; bilang panahon ng mga bargain sales at street market; bilang panahon ng kaliwa’t kanang mga party at bigayan ng bonus; bilang taunang okasyon para sa fund raising at maging ang Simbang Gabi ay nagiging bahagi na lamang ng tradisyon ng mga Pilipino.
Subalit sa kabila ng tradisyon, nakakalimutan na umano ng marami ang pag-alala kay Hesu Kristo na siyang dahilan ng ating mga kasayahan gayundin ang naging paghihirap nina Maria at Jose para humanap ng lugar kung saan isisilang ang Tagapagligtas.
Naniniwala si Villegas na ang Pasko ay nananatili pa rin bilang pinakadakilang pista dahil ipinagdiriwang natin ang kapangakan ni Hesus at bilang pinakadakilang regalo para sa lahat.
Kaugnay nito, nanawagan si Villegas sa mga debotong Katoliko na balikan ang totoong dahilan ng Pasko at palakasin ang ating pananampalataya nang sa gayon ay mabigyan ng kahulugan at ating maramdaman ang tunay na diwa ng Kapaskuhan.
- Latest