Banayo pumalag sa rice trader
MANILA, Philippines - Pumalag kahapon si dating National Food Authority (NFA) administrator Lito Banayo laban sa akusasyon ni Simeon Sioson, ang rice trader na nagkaladkad sa pangalan ni Banayo sa rice smuggling sa Subic Bay Metropolitan Authority.
Isang sulat ang ipinadala kahapon ni Banayo kay Sen. Francis Pangilinan, chairman ng Senate committee on Agriculture kung saan ipinaliwanag niya ang kaniyang panig. Ipinunto ni Banayo ang records ng NFA na nagpapakitang si Sioson ay palaging bahagi ng aktibidad ng ahensiya para sa mga magsasaka.
Ayon kay Banayo, sa tuwing matatalo sa bidding si Sioson agad itong nagrereklamo at iginigiit na bigyan ng import allocation sa ilalim ng isang “special price” ang kaniyang farmer groups.
Nilinaw din ni Banayo na ang mga requests ni Sioson ay palaging tinatanggihan ng NFA Council.
Ipinunto pa nito na inamin naman mismo ni Sioson sa hearing sa Senado na walang basehan ang kaniyang mga akusasyon na nagsasabing may pinapaborang grupo ang NFA.
Nalungkot din umano si Banayo ng makaladkad sa isyu pati ang pangalan ng kaniyang kaibigan at dating veteran newsman na si Nixon Kua na hindi na maaaring ipagtanggol ang kaniyang sarili matapos mapatay sa Laguna.
Nauna rito sinabi ni Sioson sa hearing sa Senado na may mga pinapaborang grupo si Banayo sa mga nangyaring bidding ng bigas sa NFA. Nanindigan naman si Banayo na lahat ng mga bidding sa NFA ay sumunod sa tamang proseso.
- Latest






















