Mt. Pulag mabubura bilang national park
MANILA, Philippines - Nangangamba ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na mabura na bilang national park ng bansa ang Mt. Pulag sa lalawigan ng Benguet na ikalawa sa pinaka mataas na bundok sa Pilipinas.
Ito ayon sa DENR ay bunga ng patuloy at malawakang land conversion sa naturang parke.
Sa kanyang ulat kay DENR Secretary Ramon Paje ni DENR-Cordillera Director Clarence Baguilat, umaabot na sa 24 percent mula sa 11,550 hectares na lawak ng Mt. Pulag reservation ang ginawang agricultural at residential lands ng mga katutubo na umaangkin sa nasabing lupa.
Binigyang diin nito na dapat nang maprotektahan ang natitirang bahagi ng Mt. Pulag dahil dito nagmumula ang suplay ng tubig sa mga lugar sa Region 1 at 2 at nagpapasigla ito ng turismo doon.
Ang Mt. Pulag ay paboritong lugar ng mga hikers at dinarayo rin ito ng mga turista laluna kung buwan ng Disyembre dahil sa malamig nitong klima na minsan ay umaabot pa sa 0 degrees Celsius.
- Latest