Pagtalakay sa sin tax isinantabi, inuna ang RH bill
MANILA, Philippines - Sa hindi inaasahang pangyayari, isinantabi muna kahapon ng Senado ang pagtalakay sa sin tax bill na naglalayong itaas ang buwis sa alak at sigarilyo at sa halip ay isinalang sa plenaryo na ang kontrobersiyal ng Reproductive Health (RH) bill.
Mismong si Senate President Juan Ponce Enrile ang nagsulong na unahin na muna ang pagtalakay ng RH bill matapos siyang maakusahan ng pagde-delay sa pagpasa ng panukalang batas.
Kabilang si Enrile sa mga senador na nauna ng nagpahayag na hindi sila pabor sa pagpasa ng RH bill.
Sinabi ni Enrile, upang matapos na ang mga akusasyon laban sa kaniya na ibinibitin ang pagtalakay sa panukala, nakahanda na siyang ipresenta ang kaniyang mga amendments kung papayagan siya ng mga kapwa senador.
Sinegundahan naman ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang panukala na inaprubahan ng mga senador.
Sinabi pa ni Enrile na natagalan siya na i-finalize ang kaniyang mga amendments dahil mahina na ang kaniyang paningin at kinakailangang palakihin pa ang font ng draft ng RH Bill upang mabasa niya ng mabuti.
- Latest