33k bahay magkakailaw na
MANILA, Philippines - Inaasahang magbibigay ng karagdagang patubig sa mahigit 9,000 ektarya ng sakahan at magpapailaw sa may 33,000 kabahayan sa probinsya ang P11-bilyong Jalaur river multi-purpose project sa Cahag, Leyte.
Sinabi ni Agriculture Secretary Proceso Alcala na ang multi-bilyong proyekto na magtatayo ng mini-hydroelectric power plant at irigasyon sa ilog ay inaasahang matatapos sa 2015.
Ani Alcala, ang naturang ilog ay nakapagbibigay na ng patubig sa mahigit 22,000 ektarya ng sakahan, at kapag natapos ay karagdagang patubig pa sa mahigit 9,000 ektarya ng sakahan.
Ang mini-hydroelectric power plant naman ay makakapag-pailaw sa mahigit 33,000 kabahayan sa probinsya.
Ayon naman kay National Irrigation Administration (NIA) Administrator Antonio Nangel, malaki ang natipid ng gobyerno sa proyekto dahil hindi lamang magsasaka ang kanilang matutulungan kundi maging ang mga residente na rin sa lugar.
Ang proyekto ay bahagi pa rin ng kampanya ng DA at NIA para sa sapat na suplay ng bigas sa 2013.
Sa pahayag naman ni Director Jerry Corsiga, ng NIA Region 6, sinabi niya na matagal na raw hinihintay ng mga residente ang naturang proyekto kaya sila ay nagpapasalamat at sa wakas ay ipinatupad na ito ng pamahalaan.
- Latest
- Trending