Anti-dynasty bill pinalakas
MANILA, Philippines - Isinulong na sa Kamara ang House Bill 6660 na tutugon sa lumalakas na panawagan na palawakin ang sakop ng panukalang anti-political dynasty bill.
Sa HB 6660 ni Rep. Mitch Cajayon ng 2nd district ng Caloocan, layon nito na masakop ang mga pamilya at kamag-anak ng mga halal na pinuno na may posisyong nasyonal sa paghawak o pagtakbo sa halalan.
Sa ilalim ng panukala ni Cajayon, ang mga pinagbabawalang kandidato sa Senate Bill 2649 ni Sen. Miriam Santiago at House Bill 3413 ni Rep. Teddy Casino ay pinapalawak upang makasama ang pamilya at mga kamag-anak ng Presidente ng Pilipinas, Pangalawang Pangulo at mga Senador.
Ang mga kamag-anak ng dalawang pinakamataas ng pinuno ng bansa ay diskwalipikadong tumakbo sa ano man posisyon habang pinagbabawal rin ang sabay-sabay na paghawak ng halal na posisyon sa gobyerno ng mga magkakaparehong kamag-anak sa ilalim ng House Bill 6660.
Pinipigilan rin sa ilalim ng panukala ang agad na pagtakbo ng sino man kamag-anak sa babakantehing posisyon ng isang opisyal na nasa kanyang huling termino.
Ang pamilya at mga kaanak ng mga nakaupong halal na pinuno ay sakop rin ng pagbabawal na tumakbo sa ilalim ng party-list system.
- Latest