Walang nawawalang pondo - LRTA
MANILA, Philippines - Wala umanong iregularidad sa LRT-Extension Housing Project sa General Trias, Cavite, partikular ang pagbili at pagdevelop ng relocation site para sa mga informal settlers na maapektuhan ng pagpapahaba ng LRT line 1 mula Baclaran hanggang Bacoor.
Sinabi ni Light Rail Transit Authority (LRTA) corporate secretary at spokesperson Atty. Hernando Cabrera na ang paunang pondo na P500-million para sa nasabing proyekto ay hindi ginasta sa pagpapatayo lamang ng mga bahay.
Ayon kay Atty. Cabrera, ang budget para sa relocation project ay ginamit din sa pagbili ng 20-hectare na lupa sa Barangay Santiago, General Trias, Cavite at sa pagdevelop nito.
Pinabulaanan din ni Cavite 3rd District Rep. Ayong S. Maliksi ang maling balita na siya ay pinagpapaliwanag ng LRTA ukol sa P500-million pondo.
“Walang nawawalang pondo! Sinabi ko na ito ay bahagi lamang ng mga pinagtagni-tagning kasinungalingan ng aking katunggali sa pulitika upang ako ay siraan at dungisan ang aking pangalan, sa ngalan ng nalalapit na 2013 elections.
Ani Maliksi, ang sinasabing pagtatanong ni dating LRTA Administrator Mel Robles ay isang lumang usapin at liham na nasagot at napasubalian na ng Provincial Government ng Cavite, nung siya ay nanunungkulan pang gobernador, sa kanyang sagot na liham kay Robles noong 16 April 2010.
Una ng ibinunyag ni Maliksi na ang tao sa likod ng mga ‘black propaganda’ sa kanya, ang kanyang makakalaban sa pagkagobernador ng Cavite sa 2013 elections, si Cavite incumbent governor Jonvic Remulla.
Sabi ni Maliksi, ang proyektong pabahay na ito ay pilit umanong pinapalabas ni Remulla na ‘overpriced’, na ito raw ay umabot ng P2.8 million ang halaga kada bahay.
“Isang malaking kasinungalingan at tunay na malisyoso ang sinasabi ni Remulla na P2.8million ang halaga kada bahay. Ang tunay na halaga kada bahay ay inabot lamang ng P201,100!,” ayon kay Maliksi.
“Tunay na malisyoso ang paratang na iyon ni Governor Remulla! Bakit naman niya inilaan ang buong pondo sa pagpapatayo lamang ng bahay? Sa’n ba sa palagay nila itatayo ang mga bahay? Hindi ba bago tayo makapagpatayo ng anumang istruktura kakailanganin muna natin ng lupa? Gusto lang nilang paikut-ikutin ang istorya at lituhin ang publiko!,” paliwanag ng dating gobernador.
Ang katotohanan, ang P500 milyong inilaan para sa relocation project ay dokumentado, liquidated, at dumaan sa tamang ahensya ng gobyerno.
Hinimay ni Maliksi ang pinatunguhan ng P500 milyon: (a) Presyo ng lupa na may laki na 20 hectares (P125 milyon) at mga kaugnay na gastusin (P26.5M); (b) Land development – (i.)Phase 1 – earth works, site grading, perimeter fence, atbp. (P93.8 M); (ii.) Phase 2 – road site grading, pagpapagawa ng main water system at drainage system atbp. (P200.7M).; (c) Sa pagpapatayo ng mga bahay – unang naitayo ay 180 kabahayan (P36.2M).
- Latest