Abusadong driver ng NHCP inireklamo
MANILA, Philippines - Nakatakdang magsampa ng reklamo sa Manila Police District (MPD) ang isang babaeng motorista na na-trauma matapos umanong pagmumurahin ng driver ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), kahapon ng umaga sa Maynila.
Ayon sa biktima na itinago sa pangalang Gerlie, nasa hustong gulang, taga-Maynila naganap ang insidente dakong alas-11:00 ng umaga sa kahabaan ng Qurino Avenue-Taft Avenue.
Minamaneho ng kanyang driver ang kanyang Mitsubishi Montero, na hindi na pinabanggit ang plaka at habang binabagtas nila ang Quirino Ave. hanggang papatawid ng Taft Ave. ay bigla umano silang ginitgit ng isang kulay silver Toyota Grandia, model 2006 na may plakang SHJ-620 at minamaneho ng ‘di pa nakikilalang driver.
Sa halip humingi ng paumanhin ang suspek ay pinagmumura umano sila at pinagbantaan pa ang biktima, dahilan upang ma-trauma ito at halos matulala sa insidente.
Dahil hindi nakilala ang tsuper ng Grandia, pero base sa plaka nitong SHJ-620 na binerepika ay nabatid na naka-isyu ito sa NHCP, na may opisina sa National Library building, T.M. Kalaw, Maynila.
Dahil dito, nanawagan ang biktima kay NHCP Chairman Ma. Serena I. Diokno na kastiguhin ang kanilang kawani o kung sino man ang abusadong nagmamaneho ng naturang sasakyan.
- Latest